Para kay B (o Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin)
Ang Para kay B ay naglalaman ng limang storya ng pag-ibig. Ngunit dahil sa quota na “4 sa 5 nag-iibigan, isa lang ang magiging masaya”, ay nasabing nanganganib ang 4 na hindi maging masya sa huli.
Ang nobelang ito ay nabanggit lamang sa isang istorya na nabasa ko (If I Fall ni Leng de Chavez aka. Shirlengtearjearky). Naagaw nito ang atensyon ko dahil sa quota na nabanggit. Madalas kasi ang mga titulo o buod sa likod ng libro ako tumitingin at nagde-desisyon kung babasahin ba ito o hindi.
Nagsimula ang kwento kay Irene, na sinundan nila Erica, Ester, Sandra at Bessie. Lahat sila ay umibig o kaya inibig, ang iba ay sa sinasabing “maling pag-ibig”. At lahat ay natapos na malungkot, kaya magtataka ka kasi wala sa lima ang naging maligaya. Maiiwan ka sa tanong na, totoo ba ang quota? O kaya, mali ang nalaganap nila na impormasyon. Napaliwanag naman ito sa huling kapitulo ng nobela. Doon din mababasa ang totoong nangyari kay Irene, Erica, Sandra at Bessie.
Para sa akin, ang nobelang ito ay hindi lamang tungkol sa pag-ibig, sapagkat sa mga nangyari sa mga pangunahing tauhan ay maari na natin itong tawagin na kwento ng buhay. Nagustuhan ko rin ang stilo ng pagsusulat ni Ricky Lee. Kahit mas gusto ko na kung sa ingles ang pangungusap ay ingles din matatapos. Pero kung iisipin natin, ganoon na din naman tayo. Tsaka, madali naman initndihin. Nagustuhan ko din kung paano niya napagkonekta ang buhay ng mga tauhan sa storya at mapapa-isip ka tungkol sa sarili mo. May panahon pa nga na napapa-isip ako kung mapapatulad ako sa mga tauhan. Kaso mukhang malabo, kasi magka-iba ang totoong buhay at ang buhay ng isang tauhan sa nobela. Sa katapusan ng kwento natatapos ang istorya ng mga tauhan sa libro. Samantalang sa totoong buhay ay tayo ang magdedesisyon, hindi ang manunulat.
At sa buong nobela, ito ang pinaka-nagustuhan ko na linya: “Sa tunay na buhay, pag nangyari na, iyon na. Walang revision.”