Para Sa Dinevastate: Muling Pagbasa sa “Para kay B” ni Ricky Lee

Ang aking kopya ng librong “Para Kay B”.

Una kong nabasa ang “Para Kay B” ni Ricky Lee nuong paglabas nito, ilang taon na ang nakaraan. Ibang lente pa ang gamit ko noon–bilang isang mambabasa at taga-hanga ng batikang Alagad ng Sining. Nang mabalitaan kong lalabas ang sequel nito ay dali-dali kong hinanap ang aking kopya. Gusto kong sariwain ang kuwento nila Irene, Erica, Esther, Sandra, Bessie.

At siempre, ni Lucas. Ang manunulat at mangingibig na si Lucas. Sa pagtatapos ng nobela, mahahayag na ang pagsusulat ni Lucas ang nagtatahi-tahi sa mga kuwento ng lima, at sa pagpasok niya mula sa pagiging karakter sa kuwento ni Bessie patungo sa pagiging Karakter ng Manunulat nabigyan ng “meta” na level ang buong nobela. Hindi lang siya device bilang kwadra ng hiwa-hiwalay na mga kuwento; siya ang ugat ng pagkukuwento. Siya ang lente kung saan ang mga kuwento ay nabuhay, at mula sa kanyang mga mata lamang natin ang mga kuwento.

O sa nauusong meme ngayon, “Siempre, kuwento mo yan. Devastated ako dyan.”

Binasa ko muli ang nobela sa paghahanda ng sarili para sa nalalapit na paglabas ng “Lahat ng B”. Base sa mga nilabas na detalye, ang bagong nobela ay pagpapatuloy ng mga kuwento ng lima at ni Lucas.

Sa muli kong pagbasa ay napagtanto kong ibang mga mata na ang ginagamit ko. Ito pa rin naman ang nobela, matagal na nagtago sa aking estante, pero hindi na ako ang dating mambabasa. Nadagdagan na ako ng danas, at mula sa karagdagang danas na iyon ko sinamahan ang mga karakter sa kanilang kuwento ng pagmamahal at pagkabigo. O dapat bang sabihing, kanilang pagka-Sawi, with a capital S.

Mensahe ni Sir Ricky para sa akin at para sa akin lamang. Para kay Siege at wala nang iba pa. Mainggit sana kayo.

Sa pagkakataong ito, ako si Irene na hindi makalimot, at mimumulto ng mga bagay na nacoconjure ng kanyang ala-ala. Ako si Sandra na umiibig kahit mali, at makahanap ng kasiyahan (o, at least, kapayapaan) sa pagpili ng correct love over her great love. Ako si Esther na matagal nilabanan ang pag-ibig na sumisibol sa dapit-hapon ng buhay, at makakahanap lamang ng katahimikan kapag nahanap na niya ang tapang na panindigan ang tunay niyang nadarama. Ako si Erica na nagmula sa Maldiaga, natuto lamang magmahal nang mawala ang sinisinta–sana all naglelevitate kapag nagmamake love. Ako si Bessie na natutunan lamang magmahal nang simulan niyang mahalin ang sarili bilang siya, hindi bilang mga karakter na umaarte para sa entertainment ng masugid na tagahanga.

At siempre, ako si Lucas. Ang manunulat at mangingibig na matutunan ang kapangyarihan ng pagsusulat para sa mga taong umiibig at nadevastate. Ang kapangyarihan ng pagsusulat na bigyang rason, bigyang kahulugan, bigyang pag-asa ang mga nagmamahal. Ang pagsulat ay pagbuo ng mga bagong katotohanan, at pagbibigay buhay sa mga posibilidad na kahit pag-ibig ay hindi kayang wasakin.

Sa huli, totoo man o hindi ang teorya ni Lucas tungkol sa quota ng pag-ibig, may mga bagay na iniwan sa atin si Ricky Lee bilang totoo. Totoo ang pag-ibig at totoo ang kapangyarihan ng pagsusulat. Hindi man magawa ng pagsusulat baguhin ang mga nangyari, kaya nitong baguhin kung paano natin pipiliin ang mga mangyayari. Makapangyarihan ang pag-ibig, pero may kapangyarihan din ang pagsusulat; kaya nitong lumikha mula sa devastation na iiwan ng pag-ibig.

Tayo ang lahat ng karakter sa Para Kay B. At kinikilig akong isipin na ang “Lahat ng B” ay para sa ating lahat–sa ating lahat na umibig at nasawi with a capital S, at sa lahat ng nananampalataya sa kapangyarihan ng pagsusulat.

To paraphrase ang isa sa mga tanyag na linyang mula sa panulat ni Ricky Lee, “tayo ang lahat ng B. Ang lahat ng B ay tayo. Tayo ang umiibig at gumagawa ng mga kuwento. Tayo ang Lahat ng B.”

Ang “Lahat ng B” ay maari nang i-pre-order gamit ang link na ito: https://tinyurl.com/LahatNgB-PreOrder

Avatar photo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *